Saturday, September 29, 2007
Angelika kontrabida sa buhay ni Kristine
BILANG tugon sa kahili-ngan ng mga Kapamilya sa iba’t ibang panig ng mundo, inihahandog ng ABS-CBN ang pagbabalik-tambalan ng prinsesa ng soap opera na si Kristine Hermosa at ng ka-loveteam niya sa Gulong ng Palad na si TJ Trinidad, sa pinakabagong teleserye sa hapon, ang Prinsesa ng Banyera na magsisimula ngayong Oktubre.
“Sa Prinsesa ng Ban-yera, siguradong kikiligin na naman ang mga fans sa eksena nina Tin (Kristine) at TJ,” ani Andoy Ranay, director ng teleserye.
“Pero mas dapat nilang abangan ang mga confrontation scenes nila Tin at Angelika (Dela Cruz).”
Unang nagkasama sila Kristine at Angelika sa top-rating soap ng Kapamilya network na Sana’y Wala Nang Wakas.
Ang Prinsesa ng Ban-yera ay kuwento ng kambal na magkapatid, si Maningning (Kristine) at Mayumi (Angelika) na mamumuhay ng magkahiwalay dahil sa kani-kaniyang pangarap.
Ang isa ay lumaki nang matiwasay at kumpor-table, habang ang isa naman ay nakipagsapalaran sa mahirap at magulong buhay sa Pier. Sa kanilang paghahanap ng kaligayahan at pag-ibig, muling magtatagpo ang landas nina Maningning at Mayumi, pero magawa pa kaya nilang tanggapin ang isa’t isa?
O maaapektuhan ng mapait nilang nakaraan ang relasyon ng magkapatid?
Sa teleseryeng ito, gaganap si Kristine bilang ang mabait at maabilidad na si Maningning, na kinagigiliwan at minamahal ng mga tao sa Pier, habang si Angelika naman ang gaganap bilang ang matapang at ambisyosang si Mayumi.
“Siguradong magugulat ang fans sa transformation nila Tin at Angelika,” dagdag pa ni direk Andoy. “Pang-best actress talaga ang acting nila dito.”
Makakasama rin nina Kristine, TJ at Angelika sina Ms. Jaclyn Jose, Allan Paule, Sharmaine Buencamino, Chokoleit, Rafael Rosell, Maricar de Mesa, Ping Medina, Ketchup Eusebio, Neil Ryan Sese, Dino Imperial at ang dalagitang anak ni Jaclyn na si Andy Guck.
Abangan ang Prinsesa ng Banyera, magsisimula na ngayong Oktubre sa ABS-CBN.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment